Saturday, November 21, 2015

Pagpapahalaga sa Magulang

Siya yung taong kasa-kasama ko mula pagkabata. Nagpalaki, nag-aruga, nagmahal at umalalay. Simpleng babae lamang siya sa mata ng iba ngunit para sa akin ay higit pa siya sa simple. Mahirap abutin kumbaga.
Mula ng tumuntong ako sa paaralan ay siya ang laging nariyan. Hindi man sumipot ang aking ama sa mga importanteng kaganapan ay lagi siyang nasa aking tabi. Mawala lang siya sa aking mga mata ay hinahanap ko na agad siya at agad na umiiyak. Hindi naman ako spoiled sa kanya ngunit hindi ko kayang matagalan ang isang minuto na hindi siya makita. Sabi ko pa noon sa sarili ko, "Kapag namatay siya magpapakamatay nadin ako". Naisip ko kasi na hindi ko kayang mabuhay na wala siya sa piling ko. May mga panahon mang napapagalitan at napapalo ako ay hindi ko kayang magalit sa kaniya. Kaya ko bang magalit sa taong siyam na buwan akong dinala? Sa taong nagluwal sa akin? Siya ang sandalan ko. Matalik na kaibigan kumbaga. Hindi ako nagsasawa sa mga kuwento niya kahit paulit-ulit na ang iba. Gusto kong maging katulad niya. Simpleng may bahay, masipag, masinop, maasikaso, mapagmahal, matatakbuhan tuwing may problema, at higit sa lahat laging naka-suporta.
Kung iisipin, mukhang perpekto na ang buhay ko kasama siya ngunit sa buhay natin ay sadyang walang permanente. Dumating sa punto na naghiwalay sila ng aking ama. Ang dati naming masayang pamilya ay wala na. Nakakatawang isipin na sa tagal ng panahon ay umiiyak parin ako habang isinusulat ito. Noong mga panahong iyon ay ang dami kong tanong sa aking isipan. Bakit? Paano? Anong nangyari? Dahil sa pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko, sa murang edad ay natuto akong maging independent. Lahat ng mga bagay na ginagawa niya noon sa akin ay ako na mismo ang gumagawa para sa sarili ko. Nalaman ko man ang mga sagot sa aking mga tanong ay hindi ko nagawang magalit sa kanila. Sa kaniya. Sobra akong naaawa sa kaniya noon sa mga pagkakataong umiiyak siya sa aking harapan at humihingi ng tawad dahil si isisi niya ang kaniyang sarili. Wala akong nagawa kundi umiyak nalang din at yakapin siya. Hindi ko magawang magalit. Wala ako sa posisyon para sumbatan siya dahil baliktarin ko man ang mundo ay siya ang ina ko.

Ngayon, mahigit anim na taon na ang lumipas. Hindi ko lubos maisip na nakayanan kong mawalay sa kaniya ng ganito katagal. Nasa ibang bansa man siya ngayon ay hindi niya tinalikuran ang kaniyang mg responsibilidad sa amin. Walang nagbago sa aming samahan. Magkalayo man kami ay siya parin ang taong labis kong pinahahalagahan. Mawala na nga lahat, huwag lang siya. Sabi nga sa isang kanta, magkalayo man kayo at magkasalungat ang inyong mga oras ay darating ang araw na makakapiling ko siya ulit. Lahat ng ginagawa ko ngayon ay para sa kaniya. Mahal na maha po kita ma.

No comments:

Post a Comment