Sunday, October 25, 2015

Sabado at Linggo

Sabado:
Bakas ang malapad na ngiti sa aking mga labi nang ako'y magising. Simula na ng isang linggong bakasyon kaya makakapagpahinga nadin ako sa mga nakakapagod na mga gawain sa paaralan. Ako ay tumulong sa paglilinis ng aming bahay maging sa pagluluto.
Kinahapunan ay inubos ko ang aking oras sa pagbabasa kung kaya't hindi ko namalayan na gabi na pala. Nagmadali akong kumilos upang maghanda ng hapunan at hindi mapagalitan. Matapos kumain ay natulog na ako dahil dinalaw agad ako ng antok.

Linggo:

Tinanghali ako ng gising kaya napagalitan ako ni papa. Upang makabawi, ako ay tumulong sa mga gawaing bahay pati nadin sa pagalalaba. Dahil sa pagod ay nakatulog ako at gabi na nangg ako'y magising. Kumain akobng hapunan at nag-isip kung ano ang aking mga gagawin ngayong bakasyon. Hindi pa ako nakakapag-desisyon kung kaya't wala pa akong mailagay sa aking blog sa ngayon. Pag-iisipan ko muna itong mabuti at saka ko na ibabahagi sa inyo.

Sunday, October 18, 2015

Sabado at Linggo

Sabado:
Sa araw na ito ay maaga akong gumising dahil ang aming grupo ay may isho-shoot para sa aming proyekto sa tatlo naming asignatura. Maulan noong araw na iyon ngunit, nagpatuloy kami. Hapon na kami natapos kung kaya't hapon nadin ako ng nakauwi. Pagdating ko sa aming bahay ay tumulong agad ako sa paghahanda ng hapunan. Matapo namin kumain ay nagpahinga agad ako dahil nadin sa pagod sa maghapong paggawa ng mga proyekto na kinakailangan na sa aming pagbabalik sa eskwelahan.

Linggo:

Kinabukasan, huling araw ng pahinga. Lahat ng aking proyekto ay akin ng tinapos upang hindi mahuli sa pasahan. Bukas ay may pasok nang muli kaya nilabhan ko na lahat ng aking uniporme at plinantsa. Wala mang pasok kinabukasan ay tinapos ko lahat ng aking gawain dahil kami ay magiging abala sa page-edit ng aming ginawang proyekto.

Sunday, October 11, 2015

Sabado at Linggo

Sabado:
Sabado na naman ngunit wala ka pa~ Biro lang. Araw na naman ng Sabado ano nga bang bago sa araw ko? Isa lang naman ito sa paborito kong araw o marahil pati ng karamihan. Siyempre pahinga ang araw na ito at makikipagliwaliw pa ang ilan. Ngunit ako? Naglilinis ng bahay, naglalaba, at nagluluto naman na lagi ko ngang ginagawa. Taong bahay kasi ako at hindi laging lumalabas kung di naman kinakailangan, kung kaya't sa araw na ito ako'y nagmukmok na lamang at nagbasa ng Ebook upang malibang man lang. Pagsapit ng gabi ay nagtulong kami ng aking nakatatandang kapatid sa paghahanda ng hapunan at nang matapos ay kumain nadin. Ako ay natulog ng maaga sapagkat napagod ako sa maghapon na kung tutuusin ay wala namang masyadong ginawa.

Linggo:

Nagising ako dahil sa tunog ng aking telepono. Isang tawag pala sa aking ina. Naging maganda ang simula ng aking araw dahil sa tawag na iyon. Ginanahan ako kumilos dito sa bahay at maagang nakakain ng almusal at tanghalian. Kinahapunan ay umulan ng malakas kung kaya't minabuti ko na lamang matulog. Paggising ko'y nagkantahan kami ng aking ama at kumain ng meryenda. Nagsimula nadin kaming maghanda para sa hapunan at kumain na. Ngayon ako'y nandito sa computer shop upang mag-update nitong aking blog. Sa aking paguwi ako'y magpa-plantsa ng aking uniporme at mag-aayos ng aking mga gamit para bukas sa aking pagpasok. Matutulog din ako ng maaga upang hindi mahuli para sa flag ceremony  na laging ginugunita tuwing Lunes.

Sunday, October 4, 2015

Paboritong Guro

Siya yung tipo ng guro na kinatatakutan. Sa unang tingin kakabahan kana, lalo na kung di mo siya kilala. Lahat ng deskripsyong ito ay nabago simula ng makasama namin siya sa loob ng sampung buwan.
Mr. Fernando P. Timbal. Kilala ng lahat ng estudyante ng Mambugan National High School. Hindi lang dahil isa siya sa mga magagaling at tinitingalang guro dito kundi dahil sa pagiging strikto nito. Kung makikilala mo siya ng lubusan ay hahanga ka talaga sa kanya. Nang maging gurong tagapayo namin siya noong nakaraang taon ay nakilala namin ang 'Sir Timbal' na ating kinatatakutan. Mabait, strikto, magaling, maparaan, nabuting magulang, at siyempre di mawawala ang kanyang intimidating look. Yan ang totoong Sir Timbal. Ang tumulong sa amin kung paano ilabas ang mga talentong tinatago ng bawat isa sa amin. Naging isang mabuting guro na nakagabay sa lahat ng aming gagawing desisyon at mga hakbang. Ang taong iyon ang hindi ko makalilimutan sa lahat. Kung kaya't nang matapos ang sampung buwan na iyon ay nalungkot at umiyak ang kabuuan ng klase namin. Ang mga salitang binitawan ni Sir "Goodbye Aristotle"  sng pinakamasakit sa lahat. Dahil hindi na namin siya makakasama sa susunod na taon.

Aminado ako noong una'y takot ako sa kanya. Ngunit habang lumipas ang panahon ay hinangaan ko siya ng husto at naging paboritong guro. Hindi lamang dahil siya ay magaling, kundi dahil siya ay tapat at maaasahan.

Sabado at Linggo

Sabado:
Sabado? Normal na lamang ang araw na ito para sa akin. Ginawa ko muli ang mga bagay na nakasanayan ko na at madalas ko nga namang ginagawa. Gumising ng maaga, magluto, maglaba ng uniporme, at maglinis ng bahay. Wala ng bago dito. Ngunit hindi ako nababagot sa mga gawaing ito natutuwa pa nga ako dahil may naitutulong naman ako dito sa bahay.
Sumapit ang gabi, ako lamang mag-isa ang naiwan dito sa bahay. Ako ay nanuod na lamang ng telebisyon at nang dalawin ng antok ay natulog na lamang upang makabawi sa mga araw na maaga nagigising upang pumasok sa paaralan.

Linggo:
Ginising ako ng aking ama upang mag-asikaso ng almusal. Mukhang tinanghali ako ng gising. Nagmadali akong bumangon at ginawa muli ang mga bagay na ginagawa ko tuwing walang pasok. Hapon na kami natapos kumain sa kadahilanang hinintay pa namin si Tita at Papa matapos sa paglalaba. Nang nakapagpahinga na, binuksan na ni papa ang videoke. Hindi tulad ng mga nakaraang linggo, ako ay nakikanta sa kanila upang hindi mabagot.

Kinagabihan ay naghanda na ako ng hapunan at kumain. Nag-plantsa nadin ako ng aking mga uniporme upang matapos na at makapag-update na ng blog. Sa aking pag-uwi ay manunuod na lamang ako ng telebisyon at matutulog.

Sanaysay

Mahalang matutunan ang pagsusulat ng sanaysay upang matuto tayong magbigay ng ating sariling opinyon. Dahil sa pagpapahayag ng opinyon ay mailalabas natin ang ating mga saloobin. Kailangan din natin itong matutunan upang malaman natin ang kahalagahan nito na maaari nating gawin sa ating araw-araw na pamumuhay.
Ang pagsusulat ng sanaysay ay madalas gamitin sa mga isyung nais nating bigyan ng ating sariling opinyon o saloobin. Kahit simpleng paksa man na nais nating bigyang opinyon ay maibabahagi natin sa paraan ng pagsusulat ng sanaysay. Kung kaya't labis itong mahalagang matutunan upang mahasa tayo sa pagbibigay ng ating mga saloobin sa mga nangyayari sa ating paligid.

Nagiging makabuluhan din ito tuwing maghahayag tayo ng opinyon. Ito ay nagagamit natin hindi lang sa pagsusulat, maaari din itong gamitin sa berbal na paraan. Nakatutulong ito sa atin sa ano mang sitwasyon at panahon.